At Kung Iibig Man Ako, Doon Na Sa Tama At Sigurado
At kung iibig
man ako, doon na sa tama at sigurado. Iyong hindi minamadali, hindi
nakakalito. Iyong bukas sa pag unlad at pagbabago.Iyong ang pag-usbong ay
magiging parang halaman na lumalago sa tamang pagkakataon.
At kung
iibig man ako, walang lihim na itatago. Sisiguraduhin kong bawat bigkas ng
salita ay totoo, bawat kanta ay mula sa puso. Walang tiwala na masasayang,
walang pangakong mapapako.
At kung iibig
man ako, magiging sapat at kuntento. Hindi maghahanap ng iba, hindi maghahanap
ng perkpekto. Tatanggapin ang kahinaan ng buong puso. Hindi lang mamahalin sa mga magagandang bahagi,
kundi pati na rin sa mga bahaging pilit na itinatago.
At kung
iibig man ako, doon na sa mananatili. Iyong hindi lang nariyan sa mga
magandang pagkakataon, kundi pati na rin sa mga pagkakataong mahirap at
mabigat. Iyong hindi lang nariyan sa kaligayahan, kundi handang dumamay at
maging baliktarang payong sa oras ng pangangailangan.
At kung
iibig man ako, doon ako sa may pananampalataya at respeto. Iyong may
pag-intindi at pag-usbong. Iyong kayang maghintay at hindi madaling nagagalit.
Iyong nakakapagtiis, iyong nagsasakripisyo. Iyong napapagod ngunit hindi sumusuko.
Iyong pinagtitibay ng pagsubok at panahon.
At kung iibig
man ako, iyong ipinagdadasal ko. Iyong ipinagkaloob ng Maykapal, iyong naayon
sa Kanyang plano. Iyong hindi pinilit, ngunit dumaan sa proseso. Iyong sa bawat
hakbang ng paglalakbay, itataguyod ang pagpapahalaga sa espiritwal na aspeto. Iyong
sumasalamin sa pag-ibig na nakasulat sa Unang Corinto.
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob,
hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang
pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob
sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan.
Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala,
puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
1
Corinto 13:4-7
Comments
Post a Comment